Saturday, August 2, 2014

Bakit Laganap ang Kurapsiyon

Pinakamahalagang katangian ng tao ay kaisipan,pag-iisip, karunungan. Ngunit kapag ang kaisipan na ito nahubog sa mahina at hindi angkop na edukasyon o pundasyon, madaling matukso ito sa gawaing tiwali mapaunlad lamang ang sarili. Ang edukasyon ang siyang haligi na tumatayong pundasyon ng tao. Ito ang nagbibigay ng ganap na katinuan (maturity) sa kaisipan at gawain ng isang tao.



 Kaya't sa kalakaran na kung saan laganap ang kurapsiyon sa ating bayan na kung saan habang papalaki ang pondo at kapital ng gobyerno lalo din namang lomolobo ang mga karumaldumal na pagnanakaw o pangungurakot sa kaban ng bayan. Paano mawawala ang kurapsiyon sa ating mga Pinoy, halos karamihan sa atin hindi naniniwala na maaalis eto sa ating lipunan--na ang ibig sabihin kung tayo man ang lumagay sa posisyon ng mga kuratong na opisyal ganun din ang ating gagawin. Sa madaling salita ang paniwala natin o kaisipan natin na lahat tayo tiwali -- 'corrupt'.

Maihahalintulad tayo sa isang putahe na kulang sa sangkap, ano nga ba ang sangkap na kulang sa kaisipang Pinoy? Walang iba kundi sa ating kakulangan ng wastong edukasyon o pilosopiya.



Subalit, ang salitang pilosopo ang isa sa pinaka-inabusong salita sa bokabularyo ng wikang Pinoy. Biruin mo, kapag mangatwiran ka lalo na't katwirang baluktot, ang itatawag 'sayo namimilosopo o isang pilosopo. Ang iba naman ginagawa pang katatawanan ang usaping pilisopiya. Paano nga naman, wala namang masusing aralin ukol sa pilosopiya lalo na sa paghubog sa kaisipan ng ating mga kabataan, saka pa lamang nagkakaroon ng aralin sa pilosopiya kapag malapit na magtapos sa kolehiyo na kung saan nahubog na ang kaisipan ng kabataan o isang tao ang kanyang paniniwala at pag-iisip sa mga bagay-bagay at kapaligirang ginagalawan nito. Kung kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit laganap ang kurapsiyon sa ating lipunan.

Upang madaling maunawaan kung gaano kahalaga ang pilosopiya at kung ano ito, magbigay tayo halimbawa ng ilan sa mga taong pilosopo sa kasaysayan ng mundo na naging pundasyon at sandigan ng sibilisasyon-- si Buddha, Confucios, Lao Tsu, Socrates, Aristotle,Plato, Jesus Christ, Gandhi, Napoleon Hill atpb., at marami pangiba, halos mga pangkaraniwang tao lamang ngunit maituturing na likas na mangangaral o pilosopo. Marahil maski mababaw lamang ang pinag-aralan natin (hindi nakapagtapos ng kolehiyo), sa mga nabanggit na halimbawa na tao (mga pilosopo sa itaas) maaarok na natin ang kahalagahan at impluwensiya ng pilosopiya sa kaisipan ng tao at lipunan.

Sa larangan ng pilosopiya dalawa ang pinakamahalagang sangay o aralin -- "logic & ethics" ang lohika ay pag-aaral sa wastong pag-iisip, ang etika ng wastong gawain. Isipin na lamang kung ang ating mga mamamayan (taong-bayan) ay mulat at may ganap na karunungan sa pilosopiya ay makakapili sila ng mga lider na matitino at may karunungan din sa pilosopiya at doon pa lamang masusupil ang kurapsiyon sa ibat-ibang sangay ng ating lipunan. At kapag wasto ang pag-iisip (logical) makabubuo ito ng mga tamang ideya, wastong mga pamamaraan 'solusyon sa mga suliraning kinakaharap nito.

  Nakapanlulumo ngunit totoo, maski anong programa marahil at maski anupamang mga ahensiya ang itatag upang masupil ang kurapsiyon sa ating lipunan lalo na sa hanay ng gobyerno wala din itong patutunguhan hanggat walang piliosopiyang pagbabago sa ating mga aralin o malawakang pagbabago sa sistema ng ating edukasyon lalo higit sa ating pangunahing mga pag-aaral (basic or elementary education) Kumbaga kailangan ng makatotohanan at malawakang 'overhaul' sa paghubog ng kaisipang Pinoy.

Ang isang malaking balakid ay kung sino ang magtuturo at magbibigay ng mga araling pilosopiya na angkop sa pangangailangan at naaayon sa interes ng Pilipino ay karamihan naman halos ng ating mga propesyunal at mga guro ay produkto ng ating 'corrupted education'. Ngunit naniniwala tayo, na walang imposible sa mga taong may matatag na determinasyon, na hindi sumusuko sa anumang balakid kung ang pinaniniwalaan nito, ay makatuwiran.

No comments:

Blog Archive

About Me

My photo
Fallujah, Al Anbar, Iraq