http://definitelyfilipino.com/blog/pagkakaisa/
Ibig kong magbigay ng kaunting kuro-kuro at paglilinaw ukol sa hidwaan at kawalan ng pagkakaisa ng buhay Pinoy pagdating sa politikal na pambansang usapin.
Marahil lahat tayo ay nagkakaisa sa hangarin ng pagkakaroon ng isang mapayapa at maunlad na bayang magiliw.
Subalit, alas, tayong mga Pinoy sa kasalukuyan ay labis at lalong nahahati, nabibiyak, watak watak, imbes na isang bigkis tayo at hawak-kamay na nagkakaisa upang isulong at magtulong-tulong tungo sa ating minimithi na maabot marating ang kasaganaan, kaginhawaan at kaunlaran ng bayang hinirang (‘naks sobrang seryoso yata).
Minsan mahirap talaga apuhapin kung sino, saan at ano ang tama at mali…lubhang masalimuot lalo na sa panahon ngayon ng henerasyon ng ‘information technology’, ‘information overload’ at bumabaha na ng mga impormasyon sa ‘social media’ . Dagdag pa ang mga ‘agents’ na ‘paid trolls’ at mga ‘special operator paid bloggers’ na mahuhusay at sobrang ‘creative’ sa kani-kanilang larangan sa pagpapakalat ng mga ‘make believe news & assorted information’ para sa kanilang mga kliyente.
Tayo namang mga pangkaraniwan mamamayan ay halos lahat naniniwala. Ako ay naghahangad ng mabuti para sa ating bayan — ‘yun lamang hindi tayo nagpapanagpo dahil sa nagkakaroon tayo ng mga kinikilingan na mga politiko o lider na nagiging sanhi ng kawalan ng pagkakaisa.
Kumbaga, magkakaiba ang ating punto de vista ( point of view).
Kung ilalarawan(explain) natin ang isang bahay halimbawa at ikaw, Juan, ay nasa likuran, natural mente ang makikita mo at ipapaliwanag ay ang ‘back view’. Kung ikaw naman, Pedro, ay nasa harapan ay ‘front view ang pananaw na ipaliliwanag mo! Magkakaroon ngayon tayo ng iba ibang paglalahad maski iisang bahay lang ang ating inilalarawan.
Ayon sa diskurso ko sa itaas, ang punto ko dito ay kung bakit sa kabila na iisa ang ating hangad — ang ikabubuti ng bansa natin — ay agad tayong nawawala sa ‘focus’ kumbaga at tuluyan tayo sa ating mga personal na gusto o panlasa ng ating pananaw at kaisipan (sarado agad). Para bang habang nagpapaliwanag ‘yung kabila agad mong babarahin at sasabihin “ah hindi ‘yan ‘yung bahay na sinasabi ko, mali mali ka!”
Kumbaga sa bote nangalahati pa lang ang laman tinakpan mo na agad eh kahit anong buhos mo doon hindi na papasok. Resulta dahil hindi tayo marunong makinig — walang pagkakaisa.
Sa bandang huli kadalasan ang (mga) lider o taga pastol ang pasimuno at nagsisindi ng apoy upang ang kanyang mga tagasunod at alagad ay magkaroon ng iba ibang kaisipan at mauudyok humiwalay ng landas na pagmumulan ng hidwaan tungo sa hindi pagkakaunawaan.
Mabuti na lamang hindi ako ipininanganak na isang tupa(panatiko) o kambing na sunod-sunuran sa kumpas ng taga-pastol.
May independent na kaisipan at paninindigan.